everyday's a blessing

you're never a failure until you've lost the lesson Romans 8:28

Lola Basing August 15, 2011

Filed under: Uncategorized — everyday's a blessing @ 11:03 pm

Lola Basing Agusto 15, 2011 08: 30 ng gabi Silid 303 Airport Rd Abu Dhabi

Habang aking inaayos ang listahan ng mga bisita para sa aming kasal, hindi ko maiwasang hindi umiyak sapagkat labis ang aking pananabik sa aking lola.

Siya si Mrs. Visitacion Reyes Tobias, Basing kung tawagin ng karamihan. Isa siyang retiradong guro. Mapagmahal na Ina at Lola sa amin.

kuha noong aking huling kaarawan (2011). buti nalang at nakasama ko pa siya noon.

Paanong hindi ko siya makalimutan, siya na ata ang taong sobra kung mag-alala sa amin. Kadalasan, kapag tinatanong ang sinuman sa kanyang mga anak, apo or kapatid, isang katangian niya ang namumukod tangi. Siya ay “too-concern” or kung may hihigit pang salita para diyan, siya na yun.

Madalas, nililihim namin sa kanya ang mga problema sapagkat ayaw naming siya ay mag-alala. Hindi kasi maikakaila kung siya ay magdamdam para sa amin. Ngunit sa di maipaliwanag na dahilan, madalas nalalaman niyang may mga dinadadala kami. Ganun nalang siya ka sensitibo at kahit pilit naming itago, nararamdaman at nalalaman parin niya.

Naalala ko nung huli kong uwi sa Pinas, tumira kami nun ni Mama sa bahay ng aking tita kasama si lola. Nang dumalaw ang aking bunsong kapatid, ninais naming wag na siyang umuwi sa bahay sapagkat dis oras na ng gabi; takot kaming baka may mangyari sa daaan lalo na’t may nakaingkwentro siyang mga “siga”. Asa taas noon si lola, nagpapahinga na. Tahimik kaming nag-uusap usap ng bigla namin siyang nakitang pababa ng hagdan. Sabi niya “Anni Yari?” (Ano yun?) Sabi namin, “Wala Lola”. Sagot niya, “Anni gare nga, kagiyan nu i problema, ammu nga igga, isussussu nu lang niyo.” (Sabihin niyo ang problema, alam kong meron, tinatago niyo lang sa akin.) Nagkatinginan kami nung sambitin niya yun. Nagsabi nalang si Mama ng mas mababaw na dahilan. Alam kasi niya na kung sasabihin namin ang totoo, magdamag na mag-alala si lola; baka hindi na naman makatulog.

Mother instinct ika nga nila. Kahit na di pa kami magsalita, alam niya na may problema. Ganun kagaling bumasa si lola ng tao.

Noong bata pa kami, madalas kaming kumakain sa bahay nila. Siya ang aming “master chef”. Sabi niya di daw siya ganun kagaling magluto, ngunit pag natikman namin ang luto niya ng balatung (munggo), agaya (black eyed beans)kaya bistwelas (white beans) man o pinakbet, napaparami ang aming kain. Kahit ng ako’y tumanda na, tuwing bibisita ako sa kanya, gaano man siya kahina o kahit hinihingal na siya sa bawat kilos, pinipilit niya parin akong lutuan. Isa yan sa bagay na namimis ko sa kanya. Sobra siya kung mag-aruga. Binibigay niya ang kanyang buong lakas, mapagsilbihan or mapasaya lang kami.

Haayyy….

Sana pwedeng balikan ang nakaraan. Sana bata pa ako.

Noon, madalas ko siyang datnan na asa organ. magaling si lola tumugtog nun. Siguro nga, sa kanya namin minana ang hilig at talento namin sa musika. Salamat Lola.

Nagsisisi ako kung bakit noon, naiinis ako tuwing dinadala kami kay lola, lalo na pag bakasyon. Ibig sabihin kasi nun;  konti lang ang magiging oras namin sa paglalaro at halos pagtulog ang aming gagawin. Importante kasi ang afternoon naps kay lola. Wala kasi siyang ninais sa kanyang mga apo kundi ang lumaki kaming malulusog, masisigla at matatalino. Ganun nalang ang impluwensiya niya (maging ang aming mga magulang) kaya lumaki kaming may pagpapahalaga sa edukasyon. “Competitive” halos ang kanyang mga apo. Talaga namanng natutuwa siya sa tuwing nalalaman niyang sumasali kami sa mga paligsahan sa eskwelahan o inter-school, inter-dividion, regional or national man. Pinagmamayabang niya sa kanyang mga kaibigan ang mga natatamong rekognisyon ng kanyang mga apo. Sayang di na niya naabutang naging abogado si kuya, malamang abot tenga ang ngiti nun sapagkat isa sa mga apo niya ang sumunod sa yapak ng kanyang butihing asawa; si Lolo Atty. Leonardo Tobias.

kuha pagkatapos ng recognition day, kasama si proud lola syempre.

si lola kasama si grace

si lola kasama si jesselle

Si lola? Banker din yan kung tawagin namin. Isa sa pinaka palaimpok na tao. Hindi nauubusan ng cash, at hindi maramot. Madalas, siya ang life-line namin. Di pa man kami humihingi, may kusa na siyang inaabot. Madalas nga’y di na niya inaasahang maibabalik pa sa kanya ang mga tulong na yun.

Sobra rin siya kung magtipid. Minsan tinanong ko siya kung bakit ganun nalang ang kanyang pagtitipid. Hinikayat ko siyang i-enjoy ang kanyang pensiyon habang siya ay buhay pa. Ang sabi niya sakin, maigi na raw ung may natatago, para kung may pangangailangan kami, may maibibigay siya. Self-less lola talaga.

Sadya nga namang hindi madaling mag-move on kung ganun ka-especial ang taong lumisan na. Malamang hindi lang ako ang nakakaramdam nito kundi kaming lahat na nabiyayaan ng pagpapala; yun ay ang maging Ina at Lola si Mama Basing.

Ang tanging hinanakit ko lang ay sana asa tabi niya ako nung siya’y pumanaw. Sayang, naalagaan ko man lang sana siya sa kanyang huling hininga. Ano pa’t naging nars ako kung ang sarili kong mga mahal sa buhay ay di ko naman maalagaan. Masakit at tila tagos hangang buto ang hapdi sa tuwing nabibigyan ako ng papuri ng aking mga pasyente rito;kung paano nila nagugustuhan ang alagang ginagawa ko sa kanila na hindi ko man lang maipadama sa aking mga mahal sa buhay. Ang konting halagang naibigay ko sa kanya nung ako’y umuwi ay hindi sapat kumpara sa mga yapos at kalingang kinailangan niya at naibigay ko sana. Sana lang, naging mabait at maalagain din ang huling nars na nag-alaga sa kanya. Ito ang isa kong dalangin; na sana ang bawat arugang inaabot ko sa mga pasyente ko, ganun din o higit pa ang maibigay sa aking pamilya.

Buti nalang at kahit papano naipadama ko rin sa kanya ang aking pagmamahal. Madalas nun, noong ako’y nagaaral pa sa UP o kaya’y nagtatrabaho sa PGH, sinasamahan ko si lola sa kanyang mga lakad. Ako ang naging dakila niyang alalay. Noong malakas lakas pa kasi si lola ay mahilig siyang maglakbay. Palipat lipat siya sa kanyang mga anak; sa Bulacan, Antipolo, Theresa Rizal o Laguna maging sa kanyang kapatid na asa Quezon City. Hinding-hindi ko makakalimutan ang mga mahihigpit niyang mga hawak, ang mga pangungumbinse niyang wag nalang umuwi sa aking dormitoryo bagkus ang samahan siya sa kanyang pagtulog, ang bawat halik at yakap sa tuwing magpapaalam ako sa kanya at ang mga pabaon niyang pilit binibigay sakin. (haaayy….luha, luha, tama na.)

Buti nalang din at kahit papaano ay naramdaman din niyang may apo siyang nars. Hanggat kaya noon ng aking iskedyul ay sinasamahan ko siya sa kanyang mga checkup. Sayang nga lang at di na naayos ang problema niya sa mata. Sa akin din o kaya kay Tita Myrna (ang manugang niyang doktora) siya madalas magtanong tungkol sa kanyang mga health concerns. Masunuring pasyente si lola at talaga namang health-conscious.

ang tatlong maria. si lola, lola ticay at lola besie. kuha ito matapos namin silang dalawin ni mac. noong araw ding yun ay kinuhanan ko siya ng dugo para mapaeksamen sa PGH.

Anim na buwan na ang lumilipas, pero madalas ay naalala ko parin siya.  Madalas napapaluha at walang katapusang mga “kung sana” ang pumapasok sa utak ko. Kung sana, andito pa siya makikita pa niya akong maglalakad sa aisle bilang unang bride sa kanyang mga apong babae. Kung sana andito pa siya, makikita pa sana niya ang una niyang apo sa tuhod. Kung sana andito pa siya, naipasyal ko sana siya sa aming bagong bahay o kung san pa mang lugar. Kung sana andito pa siya………

Pero buti nalang din at naipakilala ko sa kanya ang kanyang unang manugang sa apo. Salamat dahil kahit sa konting hiram na panahon ay nagkakilala sila at nagka-bonding.

unang pagkikita nila lola at macoy sa laguna. madalas sabihin sa kanya ni lola (at talaga namang tuwang tuwa si mac) na i look older than him. si lola talaga sadyang bolera.

sa mga oras na ito ay kami ay super busy sa pag-phophoto shoot samantalang sila, ayun ang lalim ng pag-uusap. tuloy, wala sila sa mga pictures.

tuwang tuwa si lola ng makita si mac na halos nagroundtrip lang na umuwi sa Tuguegarao nung aking huling birthday. super effort daw. kaya kahit na giniginaw at hinihika, pinilit parin niyang ihatid si mac sa bus terminal.

Pero salamat sa Diyos, nagpapahinga na si Lola. Asa langit na siya at malamang mag-alala na naman yun kung makikita niya akong umiiyak at nalulungkot. Kaya pipilitin kong maging masaya sa tuwing maalala ko siya. Sapagkat sa langit,

1. di na hihingalin si Lola,

2. di na aatakihin ng kanyang hika

3. di na niya poproblemahin ang catarata at ang pagluluha ng kanyang mga mata

4. di na sasakit ang kanyang mga paa (di narin kami mapapamasahe.hehe)

5. di na siya mag-alala sa mga problema.

Kaya pala ganun nalang ang pagkasabik ni Lola sa langit. Sabi ni mac, nung huli raw nilang paguusap hinikayat daw niya si lola na lalong magpalakas para makita pa niya ang mga apo niya sa amin. Ang sagot ni lola, baka raw di na niya maantay, gustung-gusto na raw niyang magpahinga.

Tama si Lola, sa langit tuluyang makakapagpahinga na siya.

Sila’y gagabayan Niya sa mga bukal ng tubig na nagbibigay buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”  Pahayag 7:17

mama, lola, at mac.

si lola kasama ang ilan sa kanyang mga hijas

si lola at ilan sa kanyang mga manugang.syemps kasama na run si mac. (hihi)

si lola at ilan sa kanyang mga nag-gagandang mga apo. (naks)

ilan sa mga nerdy dalagitas ni lola

at ilan pa sa napakaraming mga apo ni lola.

Paalam Lola! Namimiss kita pero alam kong magkikita rin tayong muli. At ang araw na iyon ay paka-aabangan ko. c”,)

* aral na aking natutunan: huwag sayangin ang mga pagkakataon na ipadama at ipakita ang pagmamahal sa ating mga mahal sa buhay. sapagkat ang buhay ay hiram lang, at kung kailan ito babawiin, hindi natin malalaman. Marapat na pahalagahan ang bawat relationship upang kung ito’y bawiin man, walang pagsisisi sa bandang  huli. c”,)

 

Leave a comment